PANGARAP NG NAGLALAKBAY
I. Pagkain at Tubig Hinahanap ko ang pagkain, ang kalipunan ng mga kanin, karne, at gulay: ang mga bunga at ani ng pagyukod ng mga bisig at paghahangad sa biyaya ng ulap at lupa na pagkatapos ng pagdating bilang tugon sa panalangin at pagtitiwala, kinanlong ng mga kaibaan1; minarkahan nila ng ginto na maibubuod sa singsing at hikaw; dinamitan ng piso. Hindi ko na makikilala ang pagkaing kabiyak ng piging – paninda na ngayong pagkatapos mapalamutian ng dolyar, nagtampo ang mga samyo, tibay at kasaganaan na inapak-apakan ng sentimo; ngayon ay parang bakal na tanging halaga ay ang bigat nito. Naiplato na ang pagkain at naihanda sa salusalo ng mga puti, sanglay at singkit sa mga merkado sa kanilang palad katulad ng pagkakaplato ng aking mga atay, puso, utak at pangalan sa mesang namarkahan ng sandaigdigan. Hinahanap ko ang tubig, ang tubig na katangian ng ulap, gubat at petalo na papawi sa hapdi ng tagtuyot, kakambal ng hininga ng sanggol na pagkatapos suyuin ang pag-ibig ng...