Abiso
Kahalintulad ng kamatayan, tiyak nga lang kung dumating Sa katapusan. Parang listahan ng kasalanang di mawari O gustong kalimutan— hindi maintindihan kung bakit Ang isa ay mas mataas sa mga iba. Pero iisa ang intindi ko: Ang bawat nais ay may halaga at masaklap na ang bawat Kailangan ay patuloy sa pagtaas at ayaw nang magpaabot pa. Tumatambad sa pintuan at ipapaalalang hindi na nagagawi Ang amihan kaya’t lumalakas ang hampas ng electric fan. Tuliro na kaya ang utak kaya’t napapasarap sa tele-dramang Pangungutyaan ng mas mababaw na dahilan ng pag-iyak O kaya’y nawawala ang problema kung dinadatnan ng nasa Sa ibinibilad na katawan? Madalas na ba ang pag-init ng ulo At naglalagok, naliligo ng malamig na tubig? Kung patay Naman ang ilaw sa araw, gumagapang ang kadiliman Ng kapaligiran at ang lahat ng maiitim na saloobin at isipin Ng kapitbahay ay kumakatok sa pintuan, nangangalampag Ng bintana, naglalakad sa bubungan— nagsasadaga At nagsasaipis. Peste! Dumadami pati ang peste sa dibdib. Ma...