Posts

Showing posts from March, 2007

Umili

i. Malamig ang pilapil sa dayuhan Pagtatasa ito ng diwa habang ang katawan ay nalupig sa lamig Ng aircon at naiinggit sa mga pasaherong bihasa sa pagtulog Ng paudlot-udlot at naghihilik habang inaangkin ng matarik Na kadiliman ang ugong at usok ng bus: ang pagdalaw Ay hindi pagbabalik dahil alaala lamang ang nababalikan— Isang kaluluwa, hindi naaagnas sa isipan at nagpaparamdam, Nagpapaalaala sa tuwing nangungulila sa alikabok na kaulayaw Ng hininga, sa tuwing nakalilimot na malayo na ang nakaraan. Saksi ako sa tanawing kinagigiliwan ko sa aking bayan: Magdarasal ang mga ina; ihahandog ang mga sanggol sa altahan Ng silangan. Naniniwala pa rin sa pagkabusilak ng mga sinag— Walang halaga, walang lasa, walang tingga; payapa, malaya. Mapapangiti ang sanggol: Maligayang pagdating, liwanag! Mananahan ka sa aking kandungan at maglalagablab ka Sa panahong ibinabaon ko sa kahapon ang ritwal ng umaga At batas na ang kabanalan ay kasunduan sa kislap ng karimlan. Patunay ako: salamin pa rin ng gin...