Umili

i. Malamig ang pilapil sa dayuhan
Pagtatasa ito ng diwa habang ang katawan ay nalupig sa lamig
Ng aircon at naiinggit sa mga pasaherong bihasa sa pagtulog
Ng paudlot-udlot at naghihilik habang inaangkin ng matarik
Na kadiliman ang ugong at usok ng bus: ang pagdalaw
Ay hindi pagbabalik dahil alaala lamang ang nababalikan—
Isang kaluluwa, hindi naaagnas sa isipan at nagpaparamdam,
Nagpapaalaala sa tuwing nangungulila sa alikabok na kaulayaw
Ng hininga, sa tuwing nakalilimot na malayo na ang nakaraan.

Saksi ako sa tanawing kinagigiliwan ko sa aking bayan:
Magdarasal ang mga ina; ihahandog ang mga sanggol sa altahan
Ng silangan. Naniniwala pa rin sa pagkabusilak ng mga sinag—
Walang halaga, walang lasa, walang tingga; payapa, malaya.
Mapapangiti ang sanggol: Maligayang pagdating, liwanag!
Mananahan ka sa aking kandungan at maglalagablab ka
Sa panahong ibinabaon ko sa kahapon ang ritwal ng umaga
At batas na ang kabanalan ay kasunduan sa kislap ng karimlan.

Patunay ako: salamin pa rin ng gintong bukirin ang kalawakan,
Danga’t pula ang ipinagbubuntis ng mga ulap at nagluluksa ang uhay
Dahil naglalako ng pulbura ang amihan sa nayon gayong nagbalik na
Ang pag-ibig sa dibdib at nangakong magpapaalipin sa lupa at palay.
Nananaghoy ang mga dahon sa kundiman ng kubong nag-iisa, ulila,
Tahimik: pangitain na wala nang nananabik sa pagbabalik ng buwan
Na nagluwal sa patintero at tumbang preso na inunan ng nasa
Ng mga bata— kaya’t nangarap ng liwanag na dayuhan sa kaluluwa.

Mangangamba ang mga talampakan sa mga mapuputik na pilapil
Susugurin ng lamig ang aking mga binti at manginginig ang dibdib…

ii. Kayamanan ang bulaklak sa isang musmos
Namumukadkad ang mga bulaklak ngayong Oktubreng kulay abo
Ang kalawakan, kasabay ng pag-usbong sa murang isipan niya
Ang madalas na pagbaha kaya’t napariwara ang mga isda; luntian
Pa lang ang palay ay naisanla na; mga kalabaw ang nasisiyahan
Sa mga damo; nag-alisan ang mga tikling at dapul at ang dalag
At kuhol ay nilipol ng pestisidyo. Walang samyo ang tanubong—
Walang yumi para sa mga mangingibig sa hangin. Pero sa kanya:
Dalawampung piso, marami, ang ikinakampay ng mga bulaklak.

Kumukumpas ang gabi tuwing iniaabot ng ina at itinatali ng ama
Ang bulaklak sa pakawan: makapangyarihan ang pagkakaisa.
Matututunan din niya iyon gaya ng pag-aararo at pagtatanim.
Itatanong pa lamang sa ama kung paano ang maglibing ng panaginip
Sa lilim ng akasya, kagaya ng mga bangungot ng mga gabing itak
Ang unan at baril ang banig. Ah, muling nagbabalik ang mga anino
Dahil dumadalaw ang mga duwende sa ating mga unan at nawiwili
Ang kapre sa ating kisame, ‘ika ng ama bago tipunin ang mga bulaklak.

Alam niyang pumasok ng paaralan nang walang tsinelas, walang aklat,
Papel, lapis, kahit isang sentimo. Nasa utak ang kantiyaw ng kaklase;
Nasa dibdib niya ang bulyaw ng guro: Minana ang kamangmangan!
Naitinda man ang lahat ng mga walis, dala ng inay ang balita: bukas,
May mga magbabakod; susunugin ang mga tanubong; gagawa
Ng palaisdaan ang mga kaanak ng intsik na kumpadre ng alkalde
Na nakangiti sa kalendaryong nakasabit sa nawawakawak na dingding
Na talahib. Tahimik ang hapunan— sanay na silang magnguya ng hikbi.

Kaya’t walang pasintabi ang hangin, walang baribari. Baka managhoy
Ang mga dahon at malugmok sa duming bumabalot sa buong bakuran...

iii. Nakangiti ang imahe sa balintataw ng ‘baguntao’
Ang puso ko ay nagpupuri sa Panginoon, ito daw ang sambit sa sarili.
Paulit-ulit iyon habang pinipisil ang kayumangging rosaryo— handog
Ng kura paroko nang ilunsad ng alkalde ang programang nagtampok
Sa santuwaryo ng Birhen bilang pook ng turismo. Naglimbag sila
Ng mga kasaysayan ng himala at patotoo na ang nagtitiis, sa langit
May gantimpalang naghihintay: pagkasilang muli nang may pakpak,
Lilipad sa paraisong kasing timyas ng aming bayan— di kumakain.
Kaya’t sambit sa sarili, paulit-ulit, lagi: ang puso ko ay nagpupuri!

Sarado kaya’t lumuhod sa pintuan ng simbahan; tumingala sa imahe
Ng obispo at kura parokong naggawad ng pagpupugay sa alkalde.
Nagmamalasakit at may puso para sa mga dukha. Lihim ang halaga,
At mahalagang pilantropo siya sa mga alagad ng Diyos, kamanlalakbay.
Kalkulado niya: kasing dami ng mga numerong binobola tatlong beses
Isang araw; kasing dami ng mga pangako ng biyayang ipagkakaloob
Ng ipinangako ding napakahabang kalsada na magdudugtong sa pook
Na santuwaryo ng mga ninuno nila, at sa sibilisasyon ng poblasyon.

Nakatatak sa maitim na balat ang bagong pangalan at tinangay ng tubig
Na benditado ang karukhaan ng kaluluwa. Isa siyang baguntao: ang lakas
At damdamin ay nakatuon sa Panginoon at mga panginoong nagpalayas
Sa mga malignong lumilipol sa anito ng gubat at bundok. O, Panginoon,
Gawing kawangis itong makasalanang alipin! Paulit-ulit na sinasambit
Habang iniaalay ang lahat na ari-arian sa simbahang tirahan na ngayon
Ng kanyang kaluluwa. At magagalak siyang nanghihina ang katawan.

Nakasalubong ko siya sa ilalim ng balete: ipinanghahamon ang rosaryo
Sa kamao sa mga malignong nagluluwal, nagpapalaki daw sa ugaw…

iv. Ano ang halaga ng karne sa magsasaka?
Sementado na ang daang nag-uugnay sa mag-anak, sentimiento
Ni Tata Angkuan: Sagana pa nga kami sa bukal, batis at ilog; tigang,
Tagtuyot lagi ang aking dibdib at himalang maituturing gayong biyaya
Ang pagyabong ng gulay sa lupaing di akin at isinumpa ng eskwela.
Layas! Minumura ko ang mga tagak na nagkanya-kayang landas
Nang umulan ng barya, bumaha ng serbesa, kumanta ang makina
At magpalaki ng mga suso at balakang ang pangarap ng mga dilag.
Ay, mapatahan lang ang butil, diniligan ng pawis at luha ang tigkal.

Bawal ang hayop! Ordinansa ng alkaldeng Hall of Famer ng kalinisan
Mula nang umemak at umebak ang kalabaw sa harapan ng bago,
Malinis at pinapasinayaang pamilihang bayan. At, ginawang traktora
Ang kalabaw at magsasaka. Lahat— tinimbang, sinukat, tinikman,
May halaga. Lahat iyon, hindi niya kaya. Hindi niya kayang sukatin
Ang umbok ng mga gabi. Hindi niya kayang patubig sa dibdib ang yelo
Na lumulunod sa mga kaluluwang umiinog sa bilugang liwanag. Doon
Sa malayong timog sa paanan ng bundok, lumuluha siyang mag-isa…

At lumalayo ang agwat ng nayon at poblasyon, dumadami ang kalsada;
Dumadami ang kanto; ang mga pinto ay patungo sa karimlan ng gabi.

v. Mabigat ang bagahe ng taga-lungsod
Ginigising nito ang aking ulirat dahil kaluluwa ng aking ugat, orasyon
Ng tatang, mabisang agimat kaya’t inihalo sa basi bago itinungga.
Mura lang, Balong , ang kaligayahan ko: isang lata ng bagoong
Itong isang prasko; ilang gabi ring panatag ako. Pero espesyal ngayon:
Kasalo ko ang kabataan ng lungsod na nagmula sa akin at ngayon,
Nagbabalik sa akin. Hindi siya lasing o nahihibang. Nagkukuwento siya:
Sinisipat nila kung paano gawing resort ang aplaya; palaruan ang bukirin;
Posporo ang mga troso; manggagawa ang mga magsasaka, mangingisda.

Nagpeperdible pa rin kami ng bawang sa dibdib; naghahagis ng bigas
Sa mga sulok-sulok; may mga atang sa batis, palayan, bakuran, laem;
Inililibot ang anglem tuwing umaaligid ang lintik o ang bolang apuy;
Kinakantahan ang mga alitaptap tuwing umiikot-ikot sila sa talisay;
Masaya kami tuwing kumakanta ang butiki sa dapithapon; at natutunan
Na namin ang sining ng pagngiti kung minsan ay naglilimlim ang pusa
Sa dalikan. Ilarawan mo nga ang kislap ng lungsod, Balong:
Tulad ng dati, kasapi ang mga mata sa bilugang lupon ng mga bituin.

Nakayuko ako: pag-aari po ng sandali at inaagaw ang pagkakataon
Pati ang kisapmatang pakikipagtagpo sa parang, gubat at bukirin;
Itinutulak niya ang mga sasakyan sa hangganan; may akmang sukat
Ang bawat hakbang; itinuturo ang wika ng gusali, kalawakan, hangin;
May alituntunin bago ipagkaloob ang pangalan. Mabilis, napakabilis…
Nakikita ng tatang ang pagod, poot at kilabot sa aking mga balintataw,
Marahil: Ipininid mo ba sa dibdib ang bawat ngiti ng mga supling?
Ang kaluluwa ba ang hantungan ng mga halik at yakap ng kabiyak?

Pinagsarhan ng kumpanya. Palamunin. Galing sa iniirog ang sustento.
Walis, gulay, bagoong ang bagahe ko at kailangan ng pambili ng gatas…

ARIEL S. TABAG
Intramuros, Manila/
Villa, Sta. Teresita, Cagayan

(Nangatiw iti Karangalang Banggit iti Timpalak sa Tula 2007 Gantimpalang Collantes, Komisyon ng Wikang Filipino.)

Comments

Popular posts from this blog

VOICE TAPE

ARIEL SOTELO TABAG

KARAPOTE (UDPATED)