Atang
Isasaboy ang unang tagay sa tigang na lupa: Sa iyo nanggaling itong basi, Apo Daga, At ngayon ay kaluluwang magbabalik Katulad ng mga dapithapon sa aming dibdib. Pero mag-isa, payapang tinatanaw ang kanluran. Naipinta na sa isipan na ang malamlam na pula, Oo, pati ang mapusyaw na dilaw ay larawan Hindi lamang anino ng kabiyak— at kumakaway. Subalit kung nalulunod na sa alak at kinakausap Ang mga alitaptap, nagiging santelmo ang aninag— Ang nanghalinang liwanag sa kislap ng balintataw At nangakong sa paglubog naroon ang kayamanan. Walang kinabukasan sa lupaing ito, wika ng santelmo. Hindi kalipi sa mga bibiyayaan ko ng liwanag. Tigang, At isinusumpa kayo ng ulap, hamog, bukal at ulan. Ipangsusukat pa ba ang mortalidad sa mahiwaga? At kung ipapantapat ang kuwentong-bayan ng lahi Na doon sa bahaghari nangingitlog ng ginto ang tagak? Walang saysay kahit maibuhol sa panyo ang bulalakaw Kung sa kisapmata lamang nababanaag ang bukas. Kulang ito. Walang kanin at itlog para sa mga anito; Walang...