Atang

Isasaboy ang unang tagay sa tigang na lupa:
Sa iyo nanggaling itong basi, Apo Daga,
At ngayon ay kaluluwang magbabalik
Katulad ng mga dapithapon sa aming dibdib.

Pero mag-isa, payapang tinatanaw ang kanluran.
Naipinta na sa isipan na ang malamlam na pula,
Oo, pati ang mapusyaw na dilaw ay larawan
Hindi lamang anino ng kabiyak— at kumakaway.

Subalit kung nalulunod na sa alak at kinakausap
Ang mga alitaptap, nagiging santelmo ang aninag—
Ang nanghalinang liwanag sa kislap ng balintataw
At nangakong sa paglubog naroon ang kayamanan.

Walang kinabukasan sa lupaing ito, wika ng santelmo.
Hindi kalipi sa mga bibiyayaan ko ng liwanag. Tigang,
At isinusumpa kayo ng ulap, hamog, bukal at ulan.
Ipangsusukat pa ba ang mortalidad sa mahiwaga?

At kung ipapantapat ang kuwentong-bayan ng lahi
Na doon sa bahaghari nangingitlog ng ginto ang tagak?
Walang saysay kahit maibuhol sa panyo ang bulalakaw
Kung sa kisapmata lamang nababanaag ang bukas.

Kulang ito. Walang kanin at itlog para sa mga anito;
Walang nganga at tabako na ikasisiya ng mga yumao.
Subalit umaasang dadaloy sa sinapupunan ng Apo Daga
At maiparating na sa pagsibol nangungulila ang kaluluwa.

(Liwayway, Setyembre 24, 2007)

Comments

Popular posts from this blog

VOICE TAPE

ARIEL SOTELO TABAG

KARAPOTE (UDPATED)