Orasyon
Darating ako sa dapithapong dadalaw ang katahimikan, Ito ang pangako sa lupang tinalikdan ng pananahan. Inuusisa pa kung anong balita ang huling saysay ng radyo At ginagamot ang sugatang dila ng orasan— segu-segundo, Minu-minuto. Sinusukat ang kapangyarihan ng alikabok At amag: napakatigas nang bato ang kanin at kaldero. Nag-iipon ako ng dumi at ihi sa tapayan nang sa pagsulpot Ng sulsulbot, lason ito bilang tugon sa babala ng hangganan At kamalasang nagbigay sa akin ng pag-iisa at pagdududa Na may darating kahit ihatid pa ng oyayi ang aking tinig. Nasaan ang tandang na nagdiwang sa huling kasiyahan ng pook? Walang alituntunin ang tingga at apoy maliban sa pagkatupok Ng lahat na alaala ng kapayapaan. Isinadya ba ang kaligtasan Ng kapok upang saksi at krus sa mga kubong martir ng poot? Sadyang dalamhati ang diwa ng itim, ipagbuntis man ng ulap— Walang binhing magbubunyi. Ang pagragasa ng tubig, malimit, Ay kawanggawa ng kalikasan nang manumbalik ang lupa Sa busilak na bahagi ng daigdig...