Orasyon
Darating ako sa dapithapong dadalaw ang katahimikan,
Ito ang pangako sa lupang tinalikdan ng pananahan.
Inuusisa pa kung anong balita ang huling saysay ng radyo
At ginagamot ang sugatang dila ng orasan— segu-segundo,
Minu-minuto. Sinusukat ang kapangyarihan ng alikabok
At amag: napakatigas nang bato ang kanin at kaldero.
Nag-iipon ako ng dumi at ihi sa tapayan nang sa pagsulpot
Ng sulsulbot, lason ito bilang tugon sa babala ng hangganan
At kamalasang nagbigay sa akin ng pag-iisa at pagdududa
Na may darating kahit ihatid pa ng oyayi ang aking tinig.
Nasaan ang tandang na nagdiwang sa huling kasiyahan ng pook?
Walang alituntunin ang tingga at apoy maliban sa pagkatupok
Ng lahat na alaala ng kapayapaan. Isinadya ba ang kaligtasan
Ng kapok upang saksi at krus sa mga kubong martir ng poot?
Sadyang dalamhati ang diwa ng itim, ipagbuntis man ng ulap—
Walang binhing magbubunyi. Ang pagragasa ng tubig, malimit,
Ay kawanggawa ng kalikasan nang manumbalik ang lupa
Sa busilak na bahagi ng daigdig— at nagluluwal ng talinghaga.
Ay, mula rito sa nag-iisang haligi— maitim, inaagnas— muli,
Bababa ako ngayong inaangkin ng kadiliman ang lahat na totoo
At maliwanag. Hahalikan ko ang lupang pinalansa ng pulbura,
Pawis at dugo. Uulit-ulitin ko: sa pook na ito, may nabubuhay…
ARIEL S. TABAG
Liwayway, Nobyembre 26, 2007
Comments
Post a Comment