Santelmo
Sinusundan ng mga alitaptap ang bakas ng mga tala at buwan
Di batid na umiikot na lamang sa paanan at sanga ng masukal
Na talisay at balite. Sa malayo, napakarilag na tanawin sa dayuhan,
Kislap na maggagabay sa isang manlalakbay. Ngunit anong
Kabuluhan ang walang humpay at paulit-ulit na pag-ikot?
Malayo na ang narating ng kadiliman mula nang burahin
Ng santelmo ang babala ng pulang bakas ng tala. Kukurap-kurap
Na lamang ang lupon ng mga bituin— walang nakababatid
Sa senyal ng krus, sa bilog, sa tuwid na pagniningning.
Kung bakit kasi sa marangyang kislap nahahalina ang mata.
At ang kanilang ilaw ay parang munting tinig sa rumaragasang
Baha, sa dumadagundong na kulog at nilalamon ng dambuhalang
Lintik. Parang aureolang sinusuwag, tinatapakan ng mga bathalang
Nag-uunahang maangkin ang korona ng araw at ipuputong
Sa kalaliman ng gabi. Ay, hinahapo sila— nagdidilim, nalulusaw.
Kailan nga ba may puwang ang maliliit na kagaya nila sa mundo
Ng mga dambuhalang utak at imbensyong may mga sariling
Santelmong sinusundan? Sa itim na kalawakan, magpapaampon
Ang kanilang kaluluwa sa mga bituin at buwang saksi ng kadiliman,
Kung di man nagpapakalayo, nagpapakalalim nang nagpapakalalim.
ARIEL S. TABAG
Comments
Post a Comment