Relika ng Pilak
Ihahayag ko na kabanalan ang pagtitiis – tulad din ng pagkapako sa krus – sa klawsura ng magkakapatong na abito, sotana, at estola kung nagliliyab na ang daigdig… Maninikluhod pa rin kayo at mangingislap ang mga balintataw sa duguang rebulto – humalili siya sa inyong pagtangis nang takasan kayo ng ulirat sa taggutom na ipinagkaloob ng kaibaang kaanib ng mga uwak; parang ginintuang palayan ang tingkad ng pangakong mabubuhay ng masagana sa pagbaba niya sa kinasasadlakang krus – habang pinipiga ko ang inyong mga luha at pawis upang magkahalong dugo na aagos sa kaluluwang dayuhan sa alab ng lupa o habang minamasa ko ang mga mumog at ipa na sinaid ninyo sa mga tapayan upang ostiya na ipapalamon sa mga bathala na patron ng pamahalaan. Dito sa pulpito, ipapaliwanag ko ang mga pangitain ng mga mapupulang hapon na sumusunog sa pangako ng bahaghari: nalalapit na ang pagkampay ng puting kalapati na ang pakpak ay gintong kayamanan ng lahi. Patototohanan ko na ang kuwaresma ay panahon ng pagtit...