Adios
Kailan ko ba didilaan ang aking mga paa? Nakababagot ang laging nagmumukmok Sa mga magiginaw na kawali at palayok. Kung may darating, iaalok mo ba ang pilay Na monoblock? O ang lumalagitlit na katre? Pupunasan mo pa ba ang sahig na sinalaula Ng dugong naglambitin sa panti’t palda At putik ng madaling-araw na basang-basa ka, Humahangos, umiiyak? Binabalaan kita: Ang ipapansaping dyaryo ay inaagnas Ng amag at alikabok. Wawalisin mo ba Ang mga pira-piraso ng salaming parihaba At mga abo ng sinunog mong larawan? Narinig mo ba ang babala ng sirena O wala kang pakialam sa ambulansiya At sasakyang nambobomba sa apoy Ng eskuwater, at dibdib ng mga aktibista? Nasaksihan mo ba nang lamunin ng amain Sa kapit-kuwarto ang baong dinuguan at puto Ng dalagitang tinuruan mong magbilang ng bituin At kislap ng silangan sa bawat eskinita patungo Sa kalsadang binabagtas ng mga bayani at dakila? Nais mo ba ang pagbalot sa iyo ng kadiliman— Di mawari na sa pakiwari ko ay parang sakit Na sasaliksikin pa laman...