Ud-udong
Umaykan, Anib, dika agbatbati… I. Ang pagsambit ko sa iyong pangalan bago magdilim Nang di ka mawala sa kung saang sulok ng lungsod, Pagtawag din sa mga gunita at ulirat na nagpaiwan Sa nayon, silang mga umako sa tungkuling bantayan Ang inunang nakabaon sa lilim ng matandang talisay. Sapagkat ang pangalan mo, Anib, ang kalasag Ng aking liwanag bago sakluban ng gabi at nakaraan. Di ko talos kung ilang taglagas pa ng mga narra O pagpapalit ng mga kulay ng mga tulay at kalsada Bago maarok na ang nakagawiang talastasan sa higaan, Hindi paglalahad ng alamat, hindi pag-iimbento ng mito Kundi pagsasalin ng alaala upang maging bagumbuhay Subalit ang napakalawak na karagatan na pagitan Ng ating mga wika, alamat nga ang aking mga kataga. Isa mang malawak na buhanginan ang mga kuwento O mayamang uhay ng palay sa mga lambak at dalisdis, Ituturing kong mga butil ng rosaryo at mahabang pasilyo, Uusalin ang bawat kuwento patungo sa iyong dambana, Anib— sa araw, sa gabi, kahit sa aking mga panag...