Ud-udong
I.
Ang pagsambit ko sa iyong pangalan bago magdilim
Nang di ka mawala sa kung saang sulok ng lungsod,
Pagtawag din sa mga gunita at ulirat na nagpaiwan
Sa nayon, silang mga umako sa tungkuling bantayan
Ang inunang nakabaon sa lilim ng matandang talisay.
Sapagkat ang pangalan mo, Anib, ang kalasag
Ng aking liwanag bago sakluban ng gabi at nakaraan.
Di ko talos kung ilang taglagas pa ng mga narra
O pagpapalit ng mga kulay ng mga tulay at kalsada
Bago maarok na ang nakagawiang talastasan sa higaan,
Hindi paglalahad ng alamat, hindi pag-iimbento ng mito
Kundi pagsasalin ng alaala upang maging bagumbuhay
Subalit ang napakalawak na karagatan na pagitan
Ng ating mga wika, alamat nga ang aking mga kataga.
Isa mang malawak na buhanginan ang mga kuwento
O mayamang uhay ng palay sa mga lambak at dalisdis,
Ituturing kong mga butil ng rosaryo at mahabang pasilyo,
Uusalin ang bawat kuwento patungo sa iyong dambana,
Anib— sa araw, sa gabi, kahit sa aking mga panaginip.
1.
Matandang simbahan ang kabundukan at sa tuktok
Ng higanteng tatsulok, naroon ang Poong nakaluklok.
Ang mga matitikas na puno ay malalapad na dingding
Kung saan nasusulat ang kabanalan ng Lumikha
At sa lahat ng bahagi nitong nabubuhay, yumayabong.
Doon niyapos ni Tatang ang simbahan at paaralan
Pagkaraang sukatin ang kanyang ulo at karukhaan.
Sa mga hayop— maaamo at mababangis— natagpuan
Ang taling nagmumula sa pusod at karugtong ng gubat,
Ng parang, ng bukid, ng talon, ng ilog, ng sansinukob.
Habang ang mga eskolar ng mga gusali at silid-aklatan
Ang nagtakda na ang mga puno at ibon at hayop,
Kasangkapan lamang ng pamayanan upang magtagumpay.
At nang mapigtas ang tali, parang butil ng rosaryo,
Gumulong ang mga troso, at ang diwa at katawan ni Tatang.
2.
Tuwing Oktubre, Anib, nagkukulay-puti ang paligid
Namumulaklak ang mga talahib at ang mga hamog,
Ihinehele ng hangin. Kung mahahalina sa mga tutubi
At gagamba, gumugulong ang mga perlas sa mga binti;
Ang mga palad, paparatingin sa langit ang mga bulaklak.
Subalit madalas mahaba ang mga gabi sa isang kabataan.
Madalas ang mga lumilipad na puting bulaklak, hinahanap
Ang mga ulap sa likod ng maitim na balabal ng langit.
Hindi pa man napahihinog ng araw ang mga uhay
Pinakakain na namin ang buwan ng mainit na kanin,
Tinitiklop na ang hagdan at sinasarhan ng sungay
Ng kalabaw ang mga pintuan, pinapanaog ang butiki
Sa lupa upang isangguni sa Maykapal ang darating
Na pagkapunit ng gabi:
mapipilas ang mga sariwang uhay
mapipisa ang mga tutubi at gagamba
mapapagpag ang mga hamog
malalaglag ang mga bulaklak
At ilalantad ng unang silahis ang ibinuhos na pighati
Ng langit: nalublob sa putikan ang mga uhay, tutubi,
Gagamba, hamog, bulaklak, pulbura, tingga, dugo…
3.
Alam mo ba, Anib, sa tuwing umuuwi ako,
Kumakain ako ng alikabok sa paanan ng hagdan?
Sapagkat di ko na makilala ang mga mukha;
Ang mga daan ay taling nagkabuhol-buhol;
Ang mga lambak at burol ay bahagharing
Di ko wari kung saang ulap nakatuntong.
Di ko mahanap ang mga puno ng bayabas,
Niyog, marigold, madre cacao, talisay, dapdap,
At ang mga napapatag na burol at bundok,
Nagiging salamangka ng makulay na paligid.
Habang ang mga makikinang na butil
Dagliang dinadala ng mga trak sa pier
At hahayaang maglaho sa mga karagatan.
Naiiwang nasisiyahan ang mga pantas
Ng nayon sa paggawa ng matitibay na banga
At palayok mula sa mga pula at dilaw na lupa.
Habang patuloy akong kumakain ng alikabok.
4.
Kung naririnig mo lamang, Anib, ang himig
Ng mga aguho, maiintindihan mo ang mithiin
Ng mga mamamayang nagpakahulugan sa asin
Sa buhay— sapagkat hinahagkan sila ng alon
Subalit, gaya ng niyog, nipa, bakawan at bahura,
Ang mga aguho ay mga sundalong sa isang hampas
Na daluyong, kinulapulan ng asin at naging bato
At buhangin at walang iniwan maliban sa alaala
Ngayon, rumaragasa ang alon— ibinabalik
Ang mga lason at kasalanang itinapon
Ng mga nagkikislapang sibilisasyon
Kung wala nang mapag-akyatan sa mga tahanan
Sila ang unang magiging bato at buhangin
5.
Hahaplusin ng habagat ang mukha ko, Anib,
Ang mga palad ay tuyot, magaspang, mainit,
At nararamdaman kong pag-aari ito ng yumao:
Malamig ang iyong mukha, apo, malamig
Ang iyong mga mata, malamig ang iyong tainga.
Wala akong natatanaw na pintuang nagbubukas
Kundi tuktok ng mga kabahayan— magkakaibang
Mga kulay, mga matitingkad na kulay
At natutupok ako sa gitna ng mahalumigmig
Na Disyembre na ang pag-iisa ay taglamig.
Saksi ako sa pag-usok sa bunganga ng magkapitbahay
Ang mga numero ng mga napanaginipang piging
Ng mga diputado, alkalde, hepe, pari, obispo.
Hindi magkatugma ang mga pangungusap
Subalit nagkasundong numero ng karangyaan.
Isang kalinangan ang paghimas ng mga tandang
Sa mga madaling-araw habang nangangarap
Ang mga kalalakihan ng masaganang hapag-kainan.
Nag-uusbungan ang mga gusali sa bumbunan
Ng mga kabute at ang mga arkitekto ng lungsod
Nagiging mga kagalang-galang na poon ng sining.
Sa isang malamig na tiangge sa sangandaan
Uminom ako ng basi na hinaluan ng apdo ng sawa
At isinuka ko ang mga kataga at himig ng nayon
Nagniningas, nagmamakaawang itapon ko sa parang…
II.
Habang hinahanap mo, Anib, ang kaibahan sa mundo
Sa mga pintuan ng Internet; sa mga elektronikong palaisipan
Hinahanap ko ang pamamaraan upang maiintindihan mo
Ang aking mga kuwento:
pakakainin kita ng alikabok
ilublublob kita sa putik
ibibilad kita sa silahis
ililibing ang inunan mo
sa lilim ng talisay?
Sapagkat isa na akong naglalakad na kalansay
Na naghahanap sa mga masisikip na daan ng nayon
At wala akong ibang mauuwian maliban sa iyo…
Umaykan, Anib, dika agbatbati
Umaykan, Anib, dika agparparabii…
-30-
TALASALITAAN:
Ud-udong— mantra na binibigkas kung ang isang bata, lalo na sa sanggol, ay iuuwi na mula sa isang pook, ibang bahay, o sa gubat nang di ‘magpapaiwan’ ang espiritu (ng bata).
Anib— ang salitang Ilokano para sa anting-anting o pananggalang sa masamang espiritu.
Umaykan, Anib, dika agbatbati = Halina, Anib, huwag kang magpapaiwan
Photo: Sitio Gullasing, Villa, Sta. Teresita, Cagayan.
masterpiece!
ReplyDeletehehehe. thanks, tanud :-)
Delete