SAMTOY: Dagiti Saritami Ditoy, Ang Aming Mga Kuwento

NATAPOS din sa wakas ang "Samtoy," ang proyektong pagsasalin sa Tagalog sa labintatlong maikling-kuwentong Ilokano ng mga labintatlong kabataang manunulat na Ilokano (ang depinisyon ko sa kabataan ay 50 anios, pababa).

Narito ang maiksing intro ko sa naturang proyekto:

Mula Sa Tagasalin

BUKOD sa Saluyot, na hango sa isang gulay na madalas ulamin ng mga Ilokano, Samtoy ang isa pang tawag sa mga Ilokano. Sa katunayan, Samtoy din ang isa pang tawag sa mismong wika ng mga Ilokano, bukod sa Iloko, Iluko at Ilokano. Mula ito sa pinaghalong “saomi ditoy” na ang literal na kahulugan ay “salita namin dito.”

Sa proyektong ito, ang Samtoy ay “dagiti saritami ditoy” o “ang mga kuwento namin dito.”

Kagaya ng iba pang mga panitikan sa Filipinas, maliban sa Panitikang Tagalog/Filipino, mabibilang sa daliri ang mga naisasaling akda ng mga Ilokano sa Ingles man o sa Filipino, ang Pambansang Wika. At ipinagmamalaki namin na bukod sa mga nasusulat sa Tagalog, ang mga nagsasalita sa Ilokano ay may pinakamaraming pampanitikang akda na nasusulat sa sariling wika. Maraming salamat sa Bannawag, ang lingguhang magasin ng mga Ilokano na nagsimula nang maglimbag ng mga maikling-kuwento, nobela, tula at iba pa noon pang 1934. Bukod dito, marami pang mga magasing lumutang (at naglaho rin kinalaunan) at naglimbag sa mga akdang Ilokano.

Kung kaya ang proyektong pagsasalin na ito.

Sa pag-ako namin ng pangangailangan ng pagsasalin para maiambag din namin ang Panitikang Ilokano sa mga hindi Ilokano, ito ay isang napakasalimuot ngunit masayang paglalakbay. At sa paglalakbay na ito, magmumula kami sa Amianan— ang Ilokandia, ang pook ng mga Ilokano— patungo sa Panitikang Pambansa, sa Panitikang Pandaigdig. Kung kaya, ang pinakauna naming mararating ay ang Wikang Pambansa, ang Filipino.

Isa nga lamang panimula ito. O isa sa mga panimula dahil nga naman may mga ilan nang naunang koleksiyon ng mga kuwentong Ilokano na naisalin sa Filipino at Ingles. Isang mumunting simulain na binubuo ng labing-tatlong kuwento. At mula pa sa panulat ng mga kabataan o mas nakababatang manunulat na Ilokano.

Gayong malalayo pa rin ang agwat ng mga edad ng mga kuwentista, hinango namin ang mga kuwentong nasulat o nalathala nitong nakaraang dekada 2000. Gayunman, ang mga kuwento ay hindi lamang ang mga nangyari o tungkol sa buhay Ilokano nitong dekada 2000. Dahil nga naman kulturang Ilokano ang tinatalakay, may mga nagkuwento sa kanilang kanunuan.

Pinagsunod-sunod namin ang mga kuwento na parang dinadala namin ang mambabasa sa isang photo exhibit— at kami naman ang nag-eksibit.

May kanya-kanyang kamera ang labing-tatlong kuwentistang napasama sa koleksiyong ito, na ginamit sa pagkuha ng mga larawan. May mga gumamit ng makabagong kamera, na mapipili kung close up ba o panoramic ang shot. May mga nag-ayos pa sa Photoshop. Mayroon ding gumamit ng lumang kamera. May mga minabuting black and white ang lumabas na larawan. At mayroon ding mga walang kamera subalit nakapag-ambag pa rin sa proyekto sa pamamagitan ng paghalukay sa luma at pinakaiingatang larawan sa baul.

At bilang isang potograpo, may kanya-kanyang panlasa kung alin ang mas magandang anggulo para sipatin ang Amianan.

At bilang isang potograpo, may mga pagkakataong ang mapasama sa isang exhibit ay hindi iyon ang pinakahusay na kuha— naririto lamang ayon sa hinihiling ng exhibitor na inaayos lang naman din ang eksibit ayon sa tema o konsepto ng naturang eksibit.

Magkakaiba man ang hitsura ng kuha, o ang pamamaraan ng pagkuha, iisa lang ang pakay ng mga larawang inilalahad sa eksibit na ito, isang pagpapasulyap sa buhay, kalinangan, paniniwala, at kaluluwang Ilokano. Pagpapasulyap sapagkat kami rin mismong mga Ilokano, hindi pa man din lubusang nakukuhaan ang kabuuan nitong nilalang na tinawag na Ilokano.

Kagaya ng nabanggit ko, isa itong panimula. Marami pang ibang akda o larawan ng Amianan na likha ng mga nakababata at medyo may edad na manunulat. At maaaring mas “magandang kuha” pa ang iba at mas makulay at makabuluhang kalinangan ng mga Ilokano.

Kung kaya sa mga hindi nasama sa proyektong ito, paumanhin at kailangan na may mauna, na maaaring maghahawan sa landasin.

Maraming salamat sa Liwayway Publishing Corporation (nagsara na) at Manila Bulletin Publishing Corp. na naglilimbag ng Bannawag kung saan lumabas ang karamihan sa mga isinaling kuwento; at sa mga palihang pampanitikan kung saan nanalo ang ilang mga kuwento: Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, Komisyon sa Wikang Filipino, Reynald F. Antonio Awards for Iluko Literature, SABALI (Savella Baclig Literary) Awards, at Premio Duque.

Maraming salamat kina Appo Cles B. Rambaud at Juan Al. Asuncion ng Bannawag, Perry C. Mangilaya ng Liwayway, at si Junley Lorenzana Lazaga ng UP Baguio na tumulong sa teknikal na aspekto ng aklat.

Maraming salamat din kina Appo Jose A. Bragado, Honor Blanco Cabie at Baldovino Ab. Valdez na tumulong sa pagsusulong ng proyektong ito.

Lubos na pasasalamat sa pamunuan ng National Commission for Culture and the Arts sa pagbibigay ng pagkakataong maisalin at mailathala ang mga kuwentong Ilokano.

At sa mga kabataang manunulat na kabilang sa koleksiyong ito, maraming salamat sa pagtitiwala.

Bilang pangwakas, nais kong ulitin na may mas malawak at makulay pang tanawin ng Panitikang Ilokano na naghihintay sa mga manunulat at tagasalin para mailahad at maipakita ang mga ito sa Filipinas at sa buong mundo.

Samantala, narito ang aming labintatlong kuwento...

ARIEL S. TABAG
Old Balara, Quezon City
Nobyembre 25, 2011

At narito naman ang tungkol sa mga may-akda at sa inyong lingkod:

Mga May-akda
Fellow ng 29th UP National Writers Workshop (1997) si ARNOLD PASCUAL JOSE. Marami nang nailathalang kuwento, sanaysay at tula sa Bannawag. May ilan na ring kuwento na nailathala sa Liwayway. Nakapagkamit ng ilang gantimpala sa panulat kabilang ang Palanca. Nagtapos ng BS in Industrial Technology sa MMSU-College of Technology, Laoag City at naging empleyado ng dating Liwayway Publishing Inc. (Advertising Dept.). Tubong Bacsil North, Laoag City.

In-house editor ng Rex Bookstore, Inc. sa Lungsod Quezon, contributor ng mga educational journal, at freelance editor at evaluator ng ilang publishing house si NEYO MARIO E. VALDEZ. Nagtapos ng abogasya sa College of Law, PUP. Nagwagi na sa mga patimpalak pampanitikan, at mayroon na rin siyang aklat, ang Maysa a Panawen iti Sirok ti Kalunatsi (Isang Panahon Sa Lilim Ng Kalatsutsi), antolohiya ng ilan sa kaniyang mga kuwento. Tubong Nanguneg East, Narvacan, Ilocos Sur.

Tubong Puritac, Pinili, Ilocos Norte, nag-iisang anak si AILEEN R. RAMBAUD nina Benjamin at Evelyn Rambaud. Balediktoryan sa elementarya at hayskul sa Pinili, Ilocos Norte. Nagtapos ng Edukasyon sa MMSU College of Education sa Lungsod ng Laoag. Isa sa mga Ten Outstanding College of Education Students sa kaniyang pagtatapos noong 1998. Kasalukuyang Teacher III sa Don Mariano Marcos Memorial School, Pinili District, Ilocos Norte. Marami na rin siyang nailathalang kuwento sa Bannawag.

Tubong Paoay, Ilocos Norte, resident writer si NOLI S. DUMLAO sa Radyo Balintataw ng MBC-DZRH Radio— nanalong Best Drama Program at Best Culture and Arts Program sa 17th Annual KBP Golden Dove Awards (2008) na inilunsad ng KBP. Manunulat sa Bannawag. Naging kasapi ng magasing Ilokano na Rimat (nagsara na). Ilan sa mga kuwento niya ang nanalo sa mga patimpalak kagaya ng Palanca. Kapiling sa buhay ang kaniyang kababayan na si Zenaida Galinato.

Nagwagi na sa mga patimpalak ang kaniyang mga kuwento kabilang na ang Palanca, isang reporter si DANILO B. ANTALAN sa DZTP Radio Tirad Pass sa Lungsod ng Candon kung saan siya ipinanganak. Nailathala sa Bannawag ang ilan sa kaniyang mga kuwento at isang nobelita, na nanalo rin sa isang patimpalak. Panganay siya sa tatlong magkakapatid, may apat na silang anak ni Liza, sina AJ, CJ, VJ, at Jaeden.

Literary editor ng Bannawag si JUAN AL. ASUNCION. Kasapi siya ng FAMAS, National Press Club at GUMIL Filipinas. Isa siya sa mga nagtatag ng Tabunay Builders Club (TBC) sa Tabunay, Sarrat, Ilocos Norte kung saan siya ipinanganak. Nobelista (komiks), makata, kuwentista, nagsusulat din ng bukanegan at dramang pang-entablado na karamihan ay naipalabas sa pista ng Sta. Rosa, Tabunay at sa mismong bayan ng Sarrat. Patnugot at book designer ng ilang mga aklat na inilimbag ng GUMIL Metro Manila.

Bukod sa pagsusulat, abala rin bilang computer specialist, blogger at translator si ROY V. ARAGON na tubong Mabasa, Dupax del Norte, Nueva Vizcaya at kasalukuyang nakatira sa Cagayan. Nagwagi na rin ang ilan niyang tula at kuwento. Payapa siya, lalo na sa gabi, sa piling ng kaniyang mga aklat, computer at nakahandang kape sa tabi niya. Kapag nagsusulat, nilalambing-lambing ng kaniyang apat na pusa na sina Exodos, Garfield, Gary at Maui. Pala-kaibigan, bisitahin lamang siya sa facebook.com/rvaragon.

Freelance na manunulat at patnugot ng iba’t ibang mga magasin si SHERMA E. BENOSA. Awtor siya ng Dagiti Babassit Nga Alipugpog (Mga Mumunting Buhawi), antolohiya ng kanyang mga kuwento, na bahagi ng UBOD New Author Series ng NCCA nitong 2010. Tinatapos ang masteral sa UP Diliman, kung saan siya nagtapos ng kolehiyo, na nakatuon ang kaniyang pag-aaral sa Wika ng mga Ilokano. Tubong Bambang, Nueva Vizcaya at nag-iisang babae sa apat na anak nina Manuel D. Benosa, na isa ring manunulat, at Shirley Espino.

Hinubog ng mga bukirin ng Baryo San Lorenzo, San Nicolas (Ilocos Norte), premyadong makata at kuwentista si DANIEL L. NESPEROS. Napabilang ang kaniyang kuwentong “Opas” sa Ani 31 na inilimbag ng Cultural Center of the Philippines. Fellow para sa Tulang Ilokano sa 26th UP National Writers Workshop (1996). May dalawa na silang pinagkaaabalahang anak ni Imelda S. Queppet, isang guro sa kolehiyo. Libangan niya ang magdisenyo ng aklat.

Prinsipal ng Pambansang Mataas na Paaralan ng Banna sa Banna, Ilocos Norte si JOEL B. MANUEL. Guro, at nagsusulong sa Ilokanong kultura at wika, tubong Balioeg, Banna. Premyadong kuwentista, makata, mananalaysay, awtor siya ng sikat na nobelang “Oh, My Candida” na inilathala ng Bannawag, at nailimbag na aklat nitong 2010. Mayroon na rin siyang dalawang aklat na parehong kalipunan ng kaniyang mga kuwento. Si dating Rayma Bella Velasco ng Marcos, Ilocos Norte ang kaniyang kaisang-dibdib.

Tubong Simpatuyo, Sta. Teresita, Cagayan, premyadong makata, nobelista at kuwentista si PRODIE GAR. PADIOS. Naging kasapi ng patnugutan ng Bannawag noong 1989 at nagretiro bilang Patnugot Pampanitikan noong 2006 upang manirahan na sa Alberta, Canada kasama ang kaniyang asawa at dalawang anak. Nagtatrabaho sa Red Deer Advocate, isang publikasyon sa naturang lalawigan sa Canada.

Nanunungkulan si MIGHTY C. RASING bilang young people’s ministries coordinator ng Division on Ministries with Young People (DMYP) ng United Methodist Church. Isinisingit din ang pagba-blog tungkol sa mga aklat, panitikan at pelikula sa penstalker.com, nagsusumite ng artikulo sa Vibal Foundation, at madalas magsulat ng tula at kuwento. Bokalista at gitarista ng Samtoy, isang bandang tumutugtog ng musika at tulang Ilokano. Direktor ng GUMIL Metro Manila at GUMIL Filipinas.

Ang Tagasalin
Tubong Villa, Sta. Teresita, Cagayan, si ARIEL S. TABAG ang patnugot ng tula para sa Bannawag, ang lingguhang magasin ng mga Ilokano. Katuwang na patnugot ng ilang mga aklat na inilathala ng GUMIL Filipinas. Isa siya sa mga nagpasimula ng Daniw ken Basi, isang performing arts group na kinabibilangan ng mga manunulat na mga Ilokano. Nanalo na sa mga patimpalak pampanitikan sa Ilokano at Filipino. Mayroon na siyang aklat, ang Karapote na kalipunan ng kaniyang mga kuwento. Natutong magsulat sa Filipino nang mapangasawa si Norielyn Cullar na tubong Mindoro at Batangas. Kapag hindi nagsusulat, tinuturuan niyang magsalita sa Ilokano ang kaniyang dalawaang anak, sina Anib Miguel at Saniata Noriel.

At narito ang pabalat ng aklat:

Samtoy: Dagiti Saritami Ditoy, Ang Aming Mga Kuwento
Salin ni Ariel S. Tabag


© 2011 Ariel S. Tabag and the authors
All rights reserved
First Printing 2011

Cover Photos : Junley Lazaga, Google
Cover and Book Design: Juan Al. Asuncion

Published by the authors through a grant from the National Commission for Culture and the Arts

ISBN 978-971-814-185-4

Sa mga gustong magkaroon ng kopya, mag-e-mail sa asseng(dot)tabag(at)gmail(dot)com

Comments

Popular posts from this blog

VOICE TAPE

ARIEL SOTELO TABAG

KARAPOTE (UDPATED)