VOICE TAPE

VOICE TAPE  
Kuwento ni ARIEL SOTELO TABÁG
(Updated Version)
Photo credit:  ask.metafilter.com

NITONG pinakahuling bakasyon ko sa bayan kong Santa Teresita sa Cagayan, nanariwa ang alaala ko labingwalong taon na ang nakararaan—iyong taon na may nangyari kay Tito Ato, ang kapatid ni Nanay na sumunod sa kaniya.

 

Noong hinahanap namin ni Nanay ang mga sertipiko ng mga awards ko sa elementarya at hayskul para magamit ko bilang pampakapal ng credentials ko bilang titser sa Maynila, may ‘ibang bagay’ pa kaming nahanap.

 

Sabi ni Nanay, inilagay niya ang mga sertipiko sa lumang envelope bag na may markang LA na napanalunan niya sa pagkaskas ng balat ng nasabing brand ng sigarilyo. Nang mahanap at mabuksan namin ang bag, wala ang mga sertipiko.

 

Iyon pala, nakarolyo at nakasilid ito sa isa sa apat na piraso ng buho na pinaglagyan ni Nanay ng aming birth certificate. (Tatlo lang kaming magkakapatid at hindi na sila sumagad sa apat sa hirap ng buhay.) 

 

Bago nito, nakita namin ang naturang bag sa kailaliman ng isang malaking drawer ng aparador.  Sa kalumaan at nagkagasgas na, inilagay na sa nag-iisang kuwarto sa ibaba, doon malapit sa kusina, kung saan nakalagay din ang ibang gamit ni Tatay sa pagsasaka.

 

Iba’t iba ang laman ng lumang aparador. Mga lumang bagay din gaya ng mga retrato, papeles, papel at iba pa. Ngayon, ang 'ibang bagay' na nahanap namin ay ang voice tape na may markang “4 my one & onli lab ATO.” Ayon kay Nanay, nakuha niya sa ilalim ng unan ni Tito Ato, kinahapunan ng kamatayan nito noong Pebrero 16, 1992.

 

Bagaman nasa tapat lamang ng Pook Tactac kung saan naroon ang aming bahay ang Saint Francis Academy kung saan naman ako pumapasok ng hayskul bilang ikalawang taon, gaya ng nakagawian ko, noong umagang iyon, hindi pa man ako nakatatawid ng kalsada nang magsimula na ang flag ceremony. Nagkubli muna ako sa isang Indian tree.

 

Nang bigla na lang may lumagatak sa may kanluran. Parang may nagsuwagang mga torong kalabaw—mas malakas nga lang ang tunog nang umagang iyon. Maya-maya, nagsisigawan na ang mga estudyante at iba pang mga tao. Dali-dali silang pumunta sa tapat ng bakante at matubig na lote. Nag-umpukan sila doon sa likuran ng isang bus na Manny Trans.

 

“Nakupo! Nabangga na!” sigaw ng isang babae. 

 

“Patay na! Patay na!”

 

Kinutuban ako. Si Boying kaya na kaibigan ko? Dahil sa kagustuhang maabutan ang flag ceremony at kumaripas nang takbo patawid sa kalsada? Nakupo!

 

Tumakbo ako hindi patungo sa umpukan kundi pabalik sa bahay namin. Naratnan ko si Nanay na nagbubunot ng sahig.

 

Sa kabila ng aking paghingal dahil sa pagod at takot, sabi ko: “Nanay, may nabangga!”

 

Nagitla si Nanay marahil sa hitsura ko. Hindi na siya nag-usisa. Nakapaa siyang tumakbo patungo sa kalsada.

 

Halos patakbo rin akong sumunod kay Nanay kahit sobrang kaba ko na. Naisip ko tuloy hilingin na ang mga taong kinaiinisan ko na lang sana ang nabangga. Patawarin ako ng Diyos.

 

Nagulat ako nang matanaw ko na noong makarating si Nanay sa may umpukan, kaagad siyang umiyak ng pasigaw. Inawat ng mga naroon dahil sa sobra niyang pagpupumiglas. Wala akong ibang naintindihan sa mga isinisigaw niya kundi ang magkakasunod na “Diyos ko po! Diyos ko po!”.

 

Nanghilakbot at nangalisag ako.

 

Tiyak na hindi ang kaibigan ko ang nabangga. Hindi ganoon ang magiging asta ni Nanay kung kaibigan ko lang. 

 

Si Tatay? Hindi. Nasa bukid pa ito. Tiyak na hindi rin ang mga kapatid ko na nasa may silangan ang paaralang elementarya na pinapasukan nila sa Grade Six at Grade One.

 

At nanghilakbot ako nang maulinigan ko ang panaghoy ni Nanay: “Kapatid ko! Ato, kapatid ko! Ato!”

 

Kahit noong nailibing na si Tito Ato, madalas akong nahihintakutan kung naaalala ko ang malagim na pag-iyak ni Nanay.

 

MAG-AALAS dos nang pumarada ang karro ng punerarya sa mabatong kalsada ng baranggay sa harapan ng lote ng mag-anak nina Nanay na nasa gitna ng Pook Palor, ang kamag-anakan ng nanay ni Nanay. 

 

Halo-halong mga iyak ang sumabay sa makislap na puting kabaong ni Tito Ato patungo sa sala ng kanilang bahay. Subalit mas lumutang na naman ang pag-iyak ni Nanay at inawat pa ni Tatay dahil hinihila na nito ang kabaong. Nag-alala nga ako na baka maapakan pa ni Nanay ang siga sa harapan ng bakuran ng bahay, sa lilim ng matandang mangga.

 

Agad ding pinatabi muna ni Tito Mulong ang mga nakapalibot sa tatlong mesa na naglalaro ng portiwan at pusoy dos. Wala pa nga ang bangkay nang magsimula silang maglaro ng baraha. 

 

“Saka na ’yan atupagin ’pag naiayos na!” Medyo mabigat ang tenor ng boses ni Tito Mulong nang ’di kaagad tumabi ang mga kalalakihang nagsusugal na ’di naman tagaroon sa amin.

 

Hindi ko noon maintindihan na pagkatapos maiakyat ang kabaong, at pagkatapos makipag-usap ang mga taga-punerarya kay Nanay, kaagad din nilang binuksan ang kabaong; tinakpan ng puting kumot, saka hinango ang bangkay.

 

“Naku, ’di n’yo man lang inayos!” maktol ni Tatay.  

 

Mga ilang linggo pagkatapos ng libing, ipinaliwanag ni Nanay na nagkamali ang mga taga-punerarya sa ginamit na kabaong. Nagkakahalagang sampung libo ang makintab na puting kabaong na una nilang pinaglagyan sa bangkay.

 

Ano pa’t ipinahiga muna ang bangkay sa sala sa itaas ng bahay, sa inilatag na banig na buli at nasapnan ng puting habing-Iloko na kumot na regalo raw ni Nanay sa kasal nina Tito.

 

Dahil ang panganay nila na si Tito Alfredo ay nagda-drive ng six by six na pang-logging sa Aurora (hindi ko pa alam noon kung saang lupalop ng mundo ito), samantalang ang bunso nilang babae ay nasa Ilokos na lugar ng kaniyang napangasawa, at dinukot naman ng mga NPA ang sinundan ng bunso na si Tito Ceferino, at  “no read no write” naman si Tito Mulong, si Nanay na rin ang nag-abalang pumunta sa munisipyo para ihabla ang Manny Trans at nagtungo sa Aparri para tumawag sa asawa ni Tito Ato. Nag-arkila sila ng traysikel dahil siguradong wala na silang masasakyan pag-uwi lalo’t mangilan-ngilan pa lamang noon ang may dyip—Sarao ang tawag— sa Sta. Teresita.

 

Naroon na rin ang mga kamag-anak ng asawa ng Tito subalit ginawang dahilan ang mga apat na sunod-sunod na mga pinsan ko na babantayan nila lalo na’t kung maisipan ng isa, sabay-sabay silang mag-iyakan.

 

Dahil ako ang pinakamatanda sa aming magpipinsan, ako ang naatasang magbantay sa bangkay sa sala, kasama ko ang apat na kandila at mga ilang insektong labas-masok na nagliliparan sa bintana sa tabi ng kinauupuan ko.

 

Naalala ko ngayon kung paano tumigas ang mga panga at binti at hita ko sa panginginig. Hindi ko naman matagalang ibaling ang aking paningin sa labas, sa mga nagsusugal, sa mga parating at paalis na kamag-anak namin, sa siga, sa matandang mangga na malapit sa nagsisimula nang mabulok na lumang bahay nina Nanay, sa paglubog ng araw. Natatakot kasi ako na baka hindi ko mamalayan, nasa likuran ko na ang multo ng Tito at hindi ko alam kung paano ako tatakbo sa hagdanan sa may likuran ko.

 

Kaya’t napilitan akong palaging nakaharap sa nakumutang bangkay. Hindi ko matagalang tingnan ang bandang ulo dahil naalala ko ang kuwento ni Lolo Martin na manunuli na noong tanghali ng araw na iyon, diumano siya ang dumakot sa kumalat na utak ni Tito at saka inilagay sa kaltik o ang tabo na plastik na basyo ng langis ng Caltex. At dahil nasabi kong nagbalik na naman lahat sa aking alaala ang pangyayaring ito, hindi ko talaga maiwasang parang bumabaliktad ang sikmura ko.

 

Kung kaya higit na nakatingin ako sa bandang ibaba ng bangkay. Naalala ko tuloy ang mga kuwento ng mga matatanda tungkol sa ari, at kung paano palalakihin. Bahagyang nawala ang nerbiyos ko sa naisip ko. Naalala ko na rin ang pagkakataton na noong hindi pa naikakasal sila Tito, nag-ano sila ng kaniyang nobya sa itaas ng bahay namin. Kagaya nila ang mga napanood ko sa magasin na Playboy na napabayaan nilang magbabarkada na lumapag sa ilalim ng lamesa nang minsang magkalasingan sila. 

 

Magdidilim na noong dumating sina Nanay. Dumiretso na naman siya sa sala at tumaghoy nang patula:

 

Ay, naku naman, Ato, aya, kapatid kong ubod ng kabaitan

Bakit ka naman pumanaw na hindi man lang nagpaalam

Sino ngayon ang titingin nitong apat mong mga anak?

Asawa mo nama’y ’di makauuwi mulang pinagtatrabahuan

 

“Hindi makauuwi?” Naulinigan ko mula sa ibaba.

 

“Eh, ‘di ba kaaalis lang?” May sumagot na sinundan ng bulungan saka ang hiyawan ng mga nagsusugal sa labas.

 

Naiiyak na ako. Patalilis akong bumaba at hinanap ko si Tito Mulong at nagpabili ako ng sopdrink dahil nasusuka na naman ako.

 

HINDI KAGAYA nina Tito Alfredo at Tito Mulong, hindi ko maalalang binigyan ako ng pera si Tito Ato. Siya nga ang nakahingi sa akin ng pabor. 

 

Kung hindi ako nagkakamali, dalawang linggo lamang mula nang makaalis papuntang abrod ang kaniyang asawa, minsan, isang hapon habang nagre-review ako para sa ikalawang periodical exam, sabi niya sa akin sa mababang boses: “Dante, gawa nga tayo ng sulat para sa tiya mo.”

 

’Tayo’ na ang ibig niyang sabihin, ididikta niya ang isusulat ko. Siguradong napansin ni Nanay ang paglapit sa akin ng kaniyang kapatid dahil bigla siyang lumitaw sa may pintuan ng kusina na may hawak pang sandok. Tinanguan ako at hindi natuloy ang pagsimangot ko kasi naman, hindi pa ako tapos mag-aral para sa pagsusulit kinabukasan. 

Napansin kong kagagaling lang sa bukid si Tito Ato dahil bukod sa amoy-pawis at nakasuot pa ng mahabang manggas, nakalambitin pa sa baywang niya ang kaniyang itak, halukipkip ang salakot at dala sa likod ang kaniyang pasiking.

 

“Sige ho.” Dumaan sa ilong ang sagot ko.

 

Pipilas na sana ko sa notebook kong Aspen na may pabalat na Robin Padilla, pero pinigilan ako. Kimi ang kaniyang mga ngiting nagbaba ng kaniyang pasiking saka inilabas ang nakasupot na isang ream ng mabangong papel na linen.

 

Wala na nga lang kopya ang kaniyang sulat na puwede ko sanang siyasatin ngayon. Kung ngayon sana ginawa, maaaring naipasok ko sa kompyuter at nai-save ko. Ang nangyari, kung ano ang draft, siya na ring ipinadala namin dahil bawat pangungusap o parirala na natatapos namin, ipinapabasa sa akin. At ganito ang maalala kong nilalaman:

 

Dear Mahal,

Kumusta ka na diyan? Hindi ka ba nahilo noong sumakay ka ng bus, saka sa eroplano? Ano, kumusta ang amo mo? Sira ulo ba? ’Wag siyang loloko-loko kung ayaw niya ng gulo.

 

Kumusta naman ang pagkain mo? Siya, kung ‘di mo kaya ang hirap diyan, umuwi ka na’t magkasama tayong magtitiyagang makaahon.

 

Alagaan mong mabuti ang sarili mo. ‘Wag mong alalahanin ang mga bata dahil ang tatlong lalaki, kaya na nilang magsaing, magpastol at mag-ayos ng bahay. Panay ang hiling nina inay na doon muna sa kanila titira si Princess. Pero ‘di ba’t napag-usapan na natin ’yan noon? Na ako ang magiging ama’t ina nila? Dahil si Princess nga naman ang pumapawi sa pangungulila ko sa ’yo. Sa bawat araw na lumipas, lalo kitang nakikita sa kaniyang mukha at kilos…

 

…’Wag mo munang alalahanin ang pagpapadala mo dahil sabi naman ng ate na banggitin ko lang sa kanila kung may kailangan kami.

 

Itong mahal mo na laging nangungulila sa iyo,

 

Ato

 

P.S.

 

Si Dante ang pinasulat ko para mas malinaw mong mabasa.

 

Ang inay na binanggit niya ay ang kaniyang biyenan, at ako ang nagmungkahi ng “P.S.” dahil baka, ’kako, mayroon din akong pasalubong mula sa asawa niya.

 

Kung hindi ako nagkakamali, may tatlong sulat kaming nagawa. Maiiksi. Kagaya rin ng kaniyang pagsasalita—maiiksi. At matining ang boses niya. Hindi bagay sa katawan niyang parang si Roland Dantes na walang bigote.  

 

At hindi nakikinig ng salita kung may ayaw. Gaya noong ipaalam niya kina Nanay na ninakaw ang isa sa mag-asawa niyang kalabaw (hindi pa nakakapag-abrod ang asawa niya noon).

 

“Makapapatay ako!” Basta na lamang niya sinabi.

 

Nagulat sina Tatay at Nanay. Mabuti at sinamahan siya ni Tito Mulong at ito ang nagpaliwanag. Ninakaw nga raw ang isang kalabaw ni Tito Ato na nakatali sa dulo ng kaniyang bukirin.

 

Pagkatapos ng mahabang sandaling hindi siya nagsalita, tumikhim at saka sabi: “Pautangin n’yo nga ako. Sasaglit lang ako sa Ilokos.”

 

Sa Santo Domingo, Ilocos Sur kung saan naroon ang kanilang kamag-anak ang ibig sabihin ni Tito Ato.

 

Baka sakaling makalimot, sabi ni Nanay kay Tatay noong nag-usap sila isang gabi na marahil, pang-alo kay Tatay dahil ipinautang ni Nanay ang ipapambili sana ni Tatay ng abono.

 

Subalit mula Ilokos, nagulat na lang kami at dumiretso si Tito Ato sa bahay namin. Inutusan akong isara ang mga bintana at pintuan samantalang alas tres pa lamang ng hapon. Hindi sumagot nang tinanong ni Nanay kung bakit. Animo’y nagbubungkal ng ginto sa pananabik habang hinahango ang mga bunga ng malunggay mula sa dala niyang sako. Saka may hinango siyang baril. Kaagad kong napansin na baril ang hawak niyang mapusyaw na manilaw-nilaw dahil napanood ko na noon sa betamax.

 

“Pambihira ka naman, Ato,” sabi ni Nanay. “Isipin mo naman ang mga anak mo.” Mangiyak-ngiyak na si Nanay.

 

“Babayaran ko ng palay kina pinsan,” sabi niya na ang ibig sabihin ay ang pambayad sa baril. Isinukbit ito sa kaniyang tagiliran saka walang pasabing tinahak ang pilapil sa likuran ng bahay namin patungo sa pook nila sa may timog.

 

Mabuti naman at wala kaming nabalitaang hinamon niya gamit ang kaniyang baril. Na paltik pala.  Mga ilang buwan kasi pagkatapos siyang ilibing, nalaman ni Tito Mulong na hindi na pala pumuputok ang lokong baril bukod sa mayroon nang kalawang.

 

Ibang kaso naman ang balita bago pa man ninakaw ang kalabaw ni Tito, na mayroon siyang ’nadisgrasya’. Pero itak imbis na baril. Kasapi ng ICHDF ang naging biktima niya. Lasenggo ito at basta na lamang nananapak kung may ’di nagustuhang gawi, o may nagustuhang sampalin.

 

Isa sa mga makailang ulit na sinapak nitong ICHDF si Tito Mulong na lumalaki na ring lasenggo.

 

Minsan, nasobrahan nitong ICHDF ang uminom, mag-isa itong umuwi sa kampo nila na nasa timog na bahagi ng baryo. Nagkasalubong sila ni Tito Ato sa medyo makipot na daan. Walang nakaalam kung ano at paano ang nangyari. Basta na lamang kumalat ang balita na namatay sa taga ang ICHDF. Missing in action, sabi na lang daw ng mga kasamahang ICHDF.

 

At ang pangyayaring ito, palihim na inamin ni Tito Ato kay Tito Mulong na nasabi rin naman ng huli kina Nanay, ilang taon na ang nakararaan mula nang mamatay si Tito Ato.

 

 

MAAGANG nag-asawa si Tito Ato. Halos kasasapit lamang niya sa edad na labing-walo noong magpaalam kina Nanay.

 

“Mag-aasawa na ako,” sabi raw niya minsan, isang hapon.

 

“May mapagsisimulan na kayo?” tanong ni Nanay.

 

“Langgam nga, kaya pang mabuhay.”

 

Ang sabi ni Nanay, ayaw lang ni Tito Ato ang maging taga-awat nina Tito Alfredo at Tito Mulong dahil nagsisimula na noong lumaban si Tito Mulong kay Tito Alfredo na panganay; o kaya, natuto na rin si Tito Mulong na magsigarilyo at maglasing kagaya ng panganay.

 

Nagtulong-tulong silang magkakapatid at ang mga kamag-anak namin para maisakatuparan ang kasal nina Tito. Masasabi namang enggrande rin kahit papaano: may sound system na tumugtog ng magdamag sa bisperas at maghapon sa mismong araw ng kasal, mayroon ding ilang mga ninong at ninang kasama na ang kapitan ng baranggay. Marami rin naman silang natanggap na regalo. Marami ring naisabit sa kanilang papel de banko. Mayroon ding pulang telon na pinagsabitan ng nagtutukaang kalapati na may markang “Renato & Magdalena.” Nahagisan din sila ng bigas at barya nang papasok na sila sa family house nina Nanay pagkagaling sa simbahan.

 

Pagkaraan lamang ng ilang buwan na pagtira nila sa family house, ipinaalam na ni Tito Ato ang pagtatayo niya ng sariling bahay sa lote sa may bandang silangan.

 

“’Di magtatagal, bubukod na kami.” Ganyan ipinaalam ni Tito kina Nanay isang hapon.

 

“Siya’ng pinakamatino sa inyo,” biro ni Tatay kay Nanay kinagabihan.

 

Kinaumagahan, maaga kaming nagtungo ni Nanay doon sa pagtatayuan ng bahay. Kasama na ng tatlo kong tiyuhin si Lolo Illo na karpintero. Nagbungkal sila ng paglalagyan ng pangunahing haligi. Hinagisan ng barya ang hukay, pinatuluan ng hinyebra at dugo ng manok na puti ang mga paa.

 

“Para maging maginhawa ang buhay nila,” sabi ni Nanay noong nagtanong ako. Ganoon din daw ang ginawa nila noong ipinatayo ang bahay namin.

 

Umaga nang lumipat sina Tito Ato sa bagong-tayong bahay nila. Parang mas malaki lang ng kaunti sa bahay-kubo na litrato sa aklat ko sa Grade One. Nakaharap sa silangan ang mga bintana para raw papasok ang grasya. Hindi rin magkatapat ang pintuan sa harap at pintuan na papasok sa kusina.

 

“Magtatagal,” sabi ni Tatay dahil kamagong, matandang bayugin, at piniling kugon ang ginamit.

 

Unang ipinasok nina Tito Ato ang isang malaking tapayan ng bigas, isang banga ng tubig, tig-isang palayok ng bagoong at asin, larawan ng Banal na Pamilya na pinilas ni Nanay mula sa luma naming kalendaryo. Ang isang palayok na barya ang ipinahawak sa akin. Nang maibaba ko, palihim akong kumuha ng isang gintuing piso subalit agad kung ibinalik nang magkakasunod ang tikhim ni Tito Ato na nasa likuran ko lang pala.

 

Nag-alay sila sa sala. Saka nagpadasal sila kay Lola Balling. Pagkatapos, kinain namin ang suman na tira sa inialay na may kasama pang kape mula sa sinangag na bigas.

 

 

SUBALIT ano naman ang maaasahan mo sa dalawang elementary graduate lamang lalo na’t papatapos na ang dekada otsenta na tumataas na rin ang mga kailangang papeles para makapasok ng trabaho?

 

Isang kahig, isang tuka, gaya ng kasabihan. Dahil kutsero naman ang ama nina Nanay at napakaliit naman ang lupang minana ng nanay nila—dahil nga babae lang— makitid lamang ang lupaing sinaka ni Tito Ato.

 

Oo, at tumanggap siya ng mga sasakahing lupa na may “panginoon.” Pero kakaiba ang kaniyang asawa. Galing nga ito sa tahimik na nayon ngunit nakarating ang kaartehan sa lungsod. Balita kong namasukan sa Maynila noong dalagita pa. Ang mahirap, hindi naman niya nagawang maarte rin ang bahay nila.

 

At noon nauso sa baryo namin ang pagpunta sa Abu Dhabi dahil may mag-asawang hindi ko tiyak kung sila ang mismong recruiter o kaibigan sila ng recruiter sa Maynila.

 

Ang maalala ko, may kadalian ang pagpunta sa nabanggit na lugar. Sunod-sunod ang mga umaalis na kababaryo namin kahit mga dalawang kalabaw o baka lamang ang naibebenta.

 

Nalaman ko na lamang na nagpapatulong ang Tito kay Nanay na maghanap ng mapagsanlaan sa mumunti niyang sinasaka—pandagdag sa ibinenta na niyang babaeng kalabaw—iyong asawa ng kalabaw na ninakaw. Mabuti at mayroon na siya noong isang magbibinatang kalabaw na tinuturuan na niyang mag-araro.

 

At nakarating nga sa abrod ang asawa niya.

 

 

HANGGANG ngayon, na ipinagpapasalamat ko sa Diyos, hindi na ako nailapit pa sa iba pang nakaburol gaya ng karanasan ko sa pagkamatay ni Tito Ato.

 

Noong namatay ang lolo ko na tatay ni Tatay, ang lola ko ang nagbabad sa pagbabantay. Noon namang namatay si Tito Alfredo na panganay nina Nanay, nataon namang nag-aaral na ako sa National Teachers’ College at dumating na lamang ako noong araw na ng libing.

 

Mayroon akong mga hindi maipaliwanag na pangyayari sa burol ni Tito Ato. Gaya ng pagbabawal ng mga matatandang babae sa pagwawalis habang may nakaburol. Magkakaroon daw ng maraming kuto ang sinumang susuway nito.

 

Pero karaniwan sa binatilyo, kung ano ang sinabing masama, parang napakasarap gawin. Lihim na winalis ko ang kusina nina Tito dahil nandidiri ako sa mga tinik at mumog sa ilalim ng mesa lalo na’t hindi sementado ang sahig nila.

 

Pagkaraan ng dalawang gabi, panay-panay na ang pagkakamot ko ng ulo. “’Wag kang magkamot at masama,” sabi pa ni Nanay. Talaga namang nagdusa ako sa kati ng aking ulo. Pagkatapos pa ng libing saka ako nakapagsuyod at kay raming kuto nga.

 

At ang pagkamatay ng Tito, iyon pa lang naman ang kaisa-isang pagkakataon na nakaramdam ako ng sinasabi nilang multo. At napatunayan ko na kakaiba talaga ang paningin at pang-amoy ng aso.

 

Noong kinuha ko ang mga damit namin sa bahay, sarado lahat ang mga bintana at pintuan dahil napakahirap naman ang namatayan na nga, mananakawan pa.

 

Pero nakadagdag pa iyan sa pagkatakot ko. Saka, nasa loob ng bahay ang aso naming si Samson na ipinangalan sa bida ng sikat na drama sa radyo. Mabuti at may maliit na butas sa kusina namin kung saan siya dumadaan kung tatae o iihi.

 

Binuksan ko ang isang bintana at pintuan. Subalit nang inaayos ko na ang mga damit sa bag, laking gulat ko nang biglang tumahol ang aso, na hindi naman nakaharap sa akin bagkus sa dako kung saan umupo noon si Tito Ato noong ginawa namin ang unang sulat niya.

 

At pinatunayan ni Nanay na tuwing anibersaryo ng kamatayan ni Tito Ato, may naaamoy siyang amoy-kandila, sa dako kung saan naroroon ang lumang aparador kung saan ko nakuha ang nabanggit na envelope bag.

 

Sinabi tuloy ni Nanay na dalhin ko na lang sa sementeryo ang voice tape. “Sige ho.” Wala sa loob ang sagot ko dahil may nabubuo sa isipan ko na magpapaliwanag sa akin ng buong pangyayari.

 

 

TALAGANG hindi nakauwi ang asawa ni Tito Ato. Dito unang umusbong ang asar ko sa pag-aabrod. Napakahalaga naman ng perang ’yan at ‘di man lang umuwi para makita sa huling sandali ang kaniyang asawa?

 

Siyempre, hindi ko naman naintindihan ang hirap ng kalagayan niya dahil nga ilang buwan pa lamang siya sa Abu Dhabi.

 

Noong gabi bago ang libing, napagkasunduan na maninirahan ang dalawa kong pinsan sa aming bahay. At ang dalawa pa, doon naman sa mga biyenan ng Tito.

 

Ang Tito Mulong naman ang maninirahan muna sa bahay nina Tito Ato.

 

Noong ilalabas na ang kabaong, nauna ang paanan. Noong nahirapan silang ilusot sa bintana dahil hindi naman kalakihan ang bintana, may sumigaw na ayaw pa raw ng Tito ang umalis.

 

“Talagang gustong hintayin!” Naulinigan ko sa likuran ko.

 

“Pugutan na kasi ang manok!” May sumigaw.

 

Gagawin daw ito para wala nang susunod sa kanya na mamatay sa pamilya.

 

Sige nga po, Diyos ko, hiling ko sa loob-loob ko.

 

Pinugutan ang tandang na talisayin. Tumalsik ang dugo at napatakan ang kabaong at mga damit ng ilan na nagbuhat sa kabaong. Saka basta na lamang binitawan ang wala nang ulong manok at kung saan-saang dako ito nagtungo saka nangisay.

 

Pero hindi pa rin mailusot ang kabaong. Kahit sa pintuan, masikip. Walang laman ang kabaong noong ipinasok nila kaya malamang na pinatagilid nila.

 

Wala silang nagawa kundi putulan ang bintana. ’Yon ang unang kagat ng pagkasira sa bahay ni Tito Ato. Dahil noong tumira si Tito Mulong, hindi naman niya inayos ang bintana. Saka noong dumating ang asawa ni Tito Ato, tumira silang mag-iina sa pamilya nito. Hanggang sa unti-unti na lang nasira ang munting bahay ni Tito Ato.

 

Pagkatapos maalayan ng misa ang bangkay ng Tito, nakita kong kinausap ng mga biyenan ng Tito ang pari, si Father Ed. Kasapi ng samahan ng mga debotong babae o apostolada ang tiyahin ng asawa ng Tito at kahit isa akong sakristan, hindi ko gawain ang nakikialam sa usapan ng ibang tao lalo na’t matatanda sila. Pagkatapos nilang mag-usap, may pahabol na sermon si Father Ed na ganito ang buod: “Ang hiling ko lamang sa mga may kinauukulan na mas mahirap sa mga bata kung maghihiwa-hiwalay sila. Lalo na ngayon na ang kanilang tibay ay nakasalalay sa presensiya ng bawat isa sa lahat ng oras.”

 

Sa madaling sabi, tumira ang mga pinsan ko sa mga biyenan ng Tito.

 

 

PAPATAPOS na noon ang Marso at pakiwari ko, mga limang beses nang nagpabalik-balik si Nanay sa husgado na nag-aayos ng habla laban sa kompanya ng bus, nabanggit ng isa kong kabarkada ang umiikot na alingasngas sa baryo namin.

 

“Kusang nagpabangga daw ang Tito mo, p’re,” sabi niya.

 

Hindi kaagad ako nakapagsalita. Hindi dahil nagulat ako. Iniisip ko kung sasagot ako o hindi.

Inalala ko ang araw bago nabangga ang Tito. Hapon noon, pumunta siya sa likuran ng bahay namin. Umupo sa nakausling ugat ng kamatsile at nakatuon ang paningin sa malawak na bukirin kung saan nagsisimula nang matuyo ang mga damo. Maya’t maya na kinakausap ni Nanay pero hindi sumasagot. Hinayaan na lang din ni Nanay nang lumaon.

 

Maya’t maya rin ay sinisilip ko sa siwang ng dingding ng kusina namin. Akala mo ay estatwa ang Tito na hindi man lamang gumagalaw. Papalubog na ang araw at nasisilaw pa rin ako sa mga sinag na tumatagos sa mga sanga ng kamatsile, at sa kabuuan ng Tito at hindi ko na nga maalala ang hitsura niya dahil di ko naman maaninag ang ulo niya.

 

Tahimik ang paligid dahil napakain na noon ni Nanay ang mga baboy. Kahit kaming mga magkakapatid na nasa kusina lang, napakaingat ng mga kilos namin. Minsang nagtawanan kami nang walang tunog, binigyan kami ng tig-isang malutong na kurot sa singit. Marahil, inakala ni Nanay na ang Tito ang pinagtatawanan namin. Siyempre, hindi, kundi karaniwang biruan lang ng mga bata. 

 

Nabasag ang katahimikan ng paligid nang biglang may humuning sulsulbot sa kapok sa kanluran namin.

 

“Putang ina mo!” hiyaw ni Nanay. “Madilim na nga, eh!”

 

Inakala yata ng Tito na siya ang minura ni Nanay at bigla na siyang tumayo saka walang pasabi na naglakad patungo sa timog.

 

“Anong masasabi mo, p’re?” ulit ng kaibigan ko.

 

Hindi ako sumagot.

 

Nagpatuloy sa pagkukuwento. “Maaga daw na nakaupo sa waiting shed ang Tito mo. Sabi ng mga nagtitinda ng pandesal. Nakita naman daw ng mga estudyante ang pagtalon niya sa harapan ng bus.”

 

Mga ilang buwan pagkatapos mailibing ang Tito, tumayo ako sa lugar kung saan siya nabangga. Nakita ko ang lumalabo nang mantsa ng dugo sa puting sementadong kalsada. Habang binibilang ko ang hakbang ko—limampu—hanggang sa kinublian kong Indian tree habang may flag ceremony, iniisip ko na ang madalas na pakay ni Tito Ato kung napapagawi ng hilaga ng baryo namin, pupunta sa bahay namin. At dumadaan sa mga pilapil ng bukirin na pagitan lamang ng aming pook at ng kanilang pook. At bakit siya tatawid sa hilaga kung saan naroon ang eskuwela namin gayong nasa timog ng kalsada ang makipot na daan papunta sa bahay namin?

 

Binanggit ko kay Nanay ang sinabi ng kaibigan ko.

 

“Wala na yatang alam na matinong gawain ang mga tao,” sabi ni Nanay na mangiyak-ngiyak, “kundi ang magpakalat ng ‘di wastong salita.”

 

Parang may idinaang napakalamig na dulo ng kutsilyo sa aking gulugod.

 

“Ba’t ka paapekto kung ‘di totoo?” Kumuha si Tatay ng isang basong tubig para kay Nanay. “Lalo kang pipikunin kung sasagot ka.”

 

Hindi ko na hinintay ang sagot ni Nanay. Pumunta ako sa likuran ng bahay. Humarap ako sa dako ng bahay nina Tito. Patawarin mo ako, Tito, sinabi ko habang palihim akong umiyak.

 

 

DUMATING ang asawa ng Tito noong patapos ang Marso ng sumunod na taon, mga ilang linggo pagkatapos makuha nina Nanay ang biyente mil na pinang-areglo kay Tito.

 

Nagkataon na nasa simbahan ako nang umagang iyon dahil nagsilbi akong sakristan ng misa. Hindi pa noon gaanong nagsisimba si Nanay at nagkasundo sila ng hipag niya na pumunta sa Aparri.

 

Pag-uwi ko sa hapon, may bagong aparador na mapusyaw na pula ang kulay sa aming sala.

 

Naroon na sina Nanay at ang asawa ng Tito na may suot na bestidang dilaw, at napakaputi. Binesobeso ako at naamoy ko ang matapang na pabango na marahil, gustong-gusto ng mga Arabo.

 

“Binili namin sa Aparri,” sabi niya patungkol sa aparador. “Dito lang muna dahil bagay sa bahay n’yo.”

 

Saka siya tumawa.

 

 

BAGO ako bumalik sa Maynila nitong nabanggit ko na huli kong bakasyon, sa halip na pumunta ako sa sementeryo para tuparin ang utos ni Nanay na isusunod ko na sa puntod ng Tito ang cassette tape, nagpunta ako sa lote ng namayapang si Tito Ato na parang binisita ko lang si Tito Mulong na nag-asawa na rin at nagpatayo na ng maliit na bahay sa dating kinatatayuan ng kanilang family house.

 

Tumayo ako sa lugar kung saan tantiya ko na katapat ng kinauupuan ko noong binantayan ko ang burol ni Tito Ato. Nakatuon ang paningin ko sa tantiya ko namang katapat ng bangkay niya na nabalot ng puting habing-Iloko. Subalit ang naroon ay kamada ng mga sanga at kahoy na nasalba sa nakaraang bagyo na pinagkukuhaan ni Tito Mulong ng panggatong.

 

Subalit kinilabutan ako. Bagaman hindi ko inisip na naroon ang espiritu ng Tito. Marahil, gawa lamang ng magkakahalong damdamin, lalo na ng aking pagkalumbay.

 

Noong iabot ni Nanay ang cassette tape sa akin, naalala niya ang dinatnan namin sa bahay ng Tito na nag-iiyakan ang mga pinsan ko sa bakuran nila. Napakagulo ng sala. At ‘di pa nailigpit ang hinigaan.

 

Kaya’t umiiyak si Nanay na nagligpit habang inaaliw ko ang mga pinsan ko. Nagpunta kami sa tindahan sa tabi ng kalsada at ibinili ko sila ng kendi na walang balot at tsitsirya na Zoom-zoom.

 

Sabi ni Nanay na nakita niya ang cassette tape sa ilalim ng unan ng Tito. Nahalata niya raw na ang tatlong unan na magkakapatong ang hinigaan nito. Nasa kusina naman ang radio cassette na hiniram niya sa amin.

 

Pinakinggan daw nina Nanay at Tatay ang laman ng cassette tape. Ang laman nito, matagal na silang apat lamang ang nakaaalam: sina Nanay at Tatay, si Tito, siyempre, at ang kaniyang asawa.

 

Hanggang nitong kamakailan, ako na ang panlima. Dahil sabi ni Nanay, may sapat na akong pag-iisip.

 

Mabuti at may lalagyan itong cassette tape. At malinaw ang boses ng asawa ng Tito sa kabila ng kaniyang mga hikbi: “Patawarin mo ako, Mahal. ‘Di ko ginusto. Papatayin ako kapag lumaban ako. Isipin mo na lang na... na makakamtan na rin natin ang hinahangad mong magandang kinabukasan para sa mga anak natin... Matatapos din ang kontrata ko…”

 

(Salin ng may-akda mula sa orihinal na Ilokano na nagkamit ng Ikalawang Gantimpala sa Palanca Awards Kuwentong Ilokano noong 2010. Kabilang sa “Samtoy, Ang Aming Mga Kuwento,” antolohiya ng mga kuwentong Ilokano na nilathala ng NCCA noong 2011 na finalist sa 2011 National Book Awards. Kabilang ang salin nitong Ingles sa aklat na “Ulirat: Best Contemporary Stories in Translation from the Philippines” ng Gaudy Boy.) 

 


Comments

Popular posts from this blog

ARIEL SOTELO TABAG

KARAPOTE (UDPATED)