Littugaw

Littugaw

i.
Hinalikan ang lupa, hiniling ang pagbabasbas ng hamog
Bago namin binilang sa aming mga palad ang mga darating
Na bukas. Nangako ang punla ng kapistahan sa dulang,
Ng nag-uumapaw na tapayan, ng humahalakhak na kalan
Sa mabuting balita ng kaldero. Kaya’t mananatiling lihim
Sa dibdib ang agam-agam na magigising ang mga ulap
Sa kanilang pagkakahimbing; matatangay ng baha ang pabrika
Sa sikmura ng lupa; mahahalina ng amihan ang mga peste
Na suwagin ang laboratoryong nakatanim sa bumbunan
Ng mga kapitalista. Ibubulong ko: sumibol ka sa aking noo,
Umusbong ka sa aking puson— makapagluwal lang ng talinghaga.

Sinuyo ang kamangeg na magbalik sa palad ng mga batang
Nagbabahagi ng kamusmusan sa pagsasapalay ng pawis at ngiti.
Pinukaw namin ang dugo ng alak ng basi at apdo ng sawa;
Nag-alay sa amin ang langgam, susuhong, bayawak, ibon
At mga maiilap na hayup, silang tumatanaw sa aming pagsamba.
Pinabaunan ng bigas ang ugaw na nangakong tatahan
Sa mga bahaghari; ikinaway ang sandok sa buwan
O kaya, inabutan ng kanin nang ipamahagi ang karilagan—
Masisilayan ang kaukulang bahagi ng kabataan sa mga guhit
Ng patintero; iginuguhit ng mga bituin ang aming panitikan
At ang nayon ay akasyang nagpapahinga, yumayabong.

Hindi kami tuod upang sukatin ng dunong na nakapiit sa aklat,
Silid-aralan, kompyuter, telebisyon. Ang sining namin
Ay pagpapaamo ng kaalamang ang hangganan ay puso, tiyan
At kaluluwa. Hindi namin dinadangkal ang lupa, gubat, dagat,
Langit at ng gabing nagsilang sa haring-araw— napakaiksi
Nitong mga daliri. Ang bulong nga lang ay umaalingawngaw
Sa kalooban ng ibayong bundok, sa ulirat ng bukang-liwayway.

Kung may malignong maghahangad sa katawan, kakastiguhin
Ng malunggay, iihip namin ang anglem sa kanyang bumbunan.
At kung pula ang iginuguhit ng tala, isinusuyo sa haring-araw
Ang kanin, itlog, tabako at basi na ihatid sa malawak na karimlan.

ii.
Tumindig ang parokya sa aming dulang; nag-ugat, umusbong
Ang mga kapilya sa aming mga balikat— mabigat, napakabigat.
Kaya’t kailangang hawiin ang mga sapot sa kisame, katre, haligi,
At kukote. Nanahan na daw ang mga anito ng tagtuyot sa mga talisay,
Balite, at akasya— nagngalit ang aming mga itak at palakol.
Pupukawin ng kanilang mga usok ang mga ulap o kung santo ng tagsibol,
Luluhod at hingin ang pagbabasbas ng karagatan at mga bukal.

Nangangarap kami ng talon habang isinasawsaw ang hintuturo
Sa bendita. Humahango kami ng apoy sa mga kalansay
Na binungkal ng kidlat sa aming bakuran at bukid—
Itinataas namin habang binibinyagan ang aming mga kaluluwa
Ng langit na di maapuhap ng aming mga kataga, o di mailarawan
Ng aming utak. Nagiging adobe ang aming braso at binti
Subalit ang dibdib ay napakarupok, natutupok sa bulong
Ng kampana: nakaturo ang krus sa bughaw na paraiso.

Nilalambing ng pusa ang nananangis na kalan. Nagkukubli
Ang butiki sa pusod ng haligi, at tinatangisan ng kirwe
Ang pagdatal ng malamig na takipsilim sa lupang nahapo
Sa mabilis na pagbakod ng metro-kuwadradong dokumento.
Tumatagos ang aming mga katawan sa dingding, pilapil, dalisdis
At sa bawat karimlang daraan, lumalayo kami sa isa’t-isa.

iii.
Tinalikdan ng poblasyon ang mga liblib na pook, bukirin, aplaya
Gaya ng pagtakas ng mga bakwit sa punglo ng nag-aambang digmaan.

Gumuho ang mga sining na puntod ng aming mga ninuno
At sumibol ang mga gusali, merkado, aliwan. Sa karatig-bayan
Ay isang kilometro ang talong at tabako; sa ibayo ay gabundok
Ang kabibe, bangus at kalamay: napapalingon at nagdadatingan
Ang mga turista. At ipinagdiwang namin ang kapistahan
Ng pinakamabilis na talangka, pagpupugay sa alkalde na dati
Ay maralita, ngayon ay tinitingala sa terasa ng munisipyo,
Nangangarap ng lungsod ng mga tala sa dayuhang talumpati.

Lumiit ang daigdig at dumating sa amin ang mga anito
Silang nakapagpapakita ng himala: nasusukat ang sandali,
Nakakamayan si kamatayan. Ang katinuan ay nasa palad ng isa,
Dalawa, tatlo— ipinagbibili. Ang kabataan ng mga supling
Ay inilalagak sa karton, ang nagpinid sa mga kataga at orasan—
Napagmamasdan na lang namin ang pagkatuli o pagregla,
Pagpiyok o paglapad ng balakang, pagtubo ng maliliit na bigote
O ng suso kapag nawawalan ng ulirat ang mundo: at sa araw,
Di sila mahagilap at dinidilatan kami ng mga robot, taong-mangga,
At kompyuter. Ang mga baka at kalabaw ay ibinibilad sa plasa
Nang may panukat sa katawan at bayag ng mga kalalakihan.

At tinakasan ko ang sandaling binibili ng aming mga dalaga
Ang mga bulaklak na ipinapalamuti sa kanilang mga utak,
At inihahalintulad na ang mga magsasaka sa pandesal,
Kumukunat, tumitigas habang nakakulong sa baul o banga.

iv.
Ang buhay nga ba ay ipinagkatiwala sa kanluran at ipapamahagi
Lamang sa naniniwala? Kung ako lamang, di ako magbabasakali…

Gagalugarin ko ang mga eskinita; sasaluin ko ang mga niyebe;
Lalakbayin ko ang mga disyerto; titingalain ko ang mga torre.
Ay, ang kasalungatan ay namumugad sa mga malalaking gusali, oo,
Madalas sa templo o simbahan. Hindi ko maintindihan na ang katawan
Ang pinakamaralitang alikabok at ang kislap ng pilak ang sasambahin.
Papaanong ang tahanan ng dunong at kadakilaan ay tinatalian lamang
Sa ilong at hihilain ng dolyar, dinar, yen, euro upang buhatin
Ang monumento ng dumi, namuong gabundok na bulyaw ng amo;
Sinasakyan ng matandang nakaligtaang sunduin ni kamatayan?

Ang kabuluhan ng alak ay pagtitiyak na mas mapait ito kaysa luha
Sapagkat hindi nalalasing ang kaluluwang naghahangad ng tahanan—
Maaari: napapagod, nahahapo, nawawala, nagwawala, nagmamakaawa…

v.
Ipinanggatong na ang mga sandata subalit naaalagaan na ang ulupong
Sa bulsa. Binibilang ang bawat bagay gayong ang kabuluhan ay binobola
Ng paulit-ulit. Ang paligid nga ay hitik sa kulay at hugis, lihim at nais.

Kasing-lawak ba ng karagatan o buhangin ang sandali at may panahon
Upang himay-himayin ang bawat bahagi ng pilak o gintong nilalamon
Ng mga maligno? Lumalantad sila sa pintuan, bintana, hapag-kainan
Subalit di naninindig ang mga balahibo bagkus hinahayaang ituro nila
Ang susunod na pagkain at ang wastong pagsubo habang hinahangad
Ang nasa ibang mesa. Ayaw puksain sa kanyang kahinaan—
Ipinagkakatiwala natin ang karukhaan nang lubusan tayong maangkin…

vi.
Hindi naghihimagsik ang kalikasan. Lumuluhod lamang ang langit,
Napapaiyak, hinahalikan ang lupa, ipinaaalalang ang pag-usbong
At hangganan ay nasasalat, sinasamba ng hamog at ng kislap ng mata…

Gusto kong maghunos ang katawan kagaya ng pagpukaw ng musika
Sa aking diwa— ‘yung luma o sentimental na kanta habang lulan
Ng sasakyang pauwi sa nayon na bagahe din naman ng dibdib—
Nahuhubdan ang puso at nakikipagsiping ang isipan sa bawat bagay
Sa paligid: ang mga puno, bulaklak, ulap, bundok at lambak
Ay nagiging unang liwanag sa pagkasilang; ang mga lason, dumi, usok,
Trapiko, eskuwater ay nagiging langib ng naghilom na sugat sa dibdib.
May katapusan ang himig at ang silangan ay muling maisisilang.

(Karangalang Banggit, Gawad Surian sa Tula, Gantimpalang Collantes 2008)

Ti Makunak: Kas iti sigud, isu lat' nabaelanna. Nalabit, agingga laengen dita-- mabalin a ti kabaelan, mabalin met nga isu ti inkeddengda, pamakpakawanan dagiti pagtamdantayo a hurado.
Ngem 'pia laeng met a pangkidikkidik iti bagi a maritur met unayen iti panagsapul iti isaang. No apay ket a mairamraman met dataon iti kababalin ti tao a di mapmapnek iti adda kenkuana a parabur-- ipagpagarupna a ti nasken itoy a biag ket dagiti banag nga awan kenkuana; ilanglangina met ti no ania a talaga ti nasken. Dayta, agkurangtayon iti bagas. Nupay mamatiak a talaga a gumamgamrud a gumamgamrud dagiti sal-it nga ugaw-- takawenda ultimo taep ken garami.
Iti diak unay iparparangarang a gapuna, pangpitik daytoy iti lapayag dagiti dina ammot' agbaribari-- pangan-annong, kunak man laengen, kadagiti naraas nga agbasakbasak iti sagrado a dissotayo.
Dios ti agngina kadagiti mamati.

Asseng

Comments

Popular posts from this blog

VOICE TAPE

ARIEL SOTELO TABAG

KARAPOTE (UDPATED)