da-lá-gan

dalagan (da-lá-gan) png: katre para sa bagong panganak; agdalágan pnd: pagpapalakas ng isang bagong panganak na babae

Sa mga Ilokano, hindi ginagamit— madalang, kung gamitin man— ang salitang “bagong panganak” o “kapapanganak” (kaippasngay; kayyanak), dahil may mga nalilito kung ang sanggol ba o ang nanganak ang tinutukoy. Sa halip, ginagamit ang salitang ‘agdalagan’ para tukuyin ang bagong panganak na misis.

May mga insidente na kapag ang Ilokano ang nakikipag-usap sa isang Tagalog at maririnig ang “bagong panganak”, malilito siya kung alin itong tinutukoy, kung ang misis ba na nanganak o ang sanggol na ipinanganak.

Sa madaling sabi, maliwanag lamang sa isipan ng isang Ilokano na ang misis ang tinutukoy kung tinawag itong agdalagan.

Ang agdalagan ay pagpapalakas ng bagong panganak sa isang katre na ang tawag ay dalagan. Ayon sa Iluko-English-Tagalog Dictionary (Phoenix Publishing House, 1993) ni G. Greg Laconsay, yari ito sa kawayan na sinadyang ginawa para sa ‘agdalagan’. Medyo mas angat ang bandang ulunan nito kaysa sa paanan (tingnan ang larawan na guhit ni Rico Rival mula sa epikong "Biag ni Lam-ang" na muling inilathala ng Bannawag simula nitong Oktubre 31, 2011 na issue ng naturang magasin; ang eksena ay bagong panganak si Ina Namongan kay Lam-ang na siya mismo ang nailarawang bata).

Halimbawa:

“Di pay makapaspasiar ni Saling, a, ta agdalagan pay laeng.” (Hindi pa nakagagala si Saling kasi agdalagan. = Hindi pa nakagagala si Saling kasi bagong panganak.)

Sa paggamit ng salitang agdalagan, maliwanag kaagad na ang tinutukoy ay ang misis na bagong panganak.

Sa mga ibang bahagi ng Ilokos, tinatawag itong balítang.

Comments

  1. tanud, kaabayna a talaga ti dalikan wenno ti artist laengen ti nanginayon?

    ReplyDelete

Post a Comment

Popular posts from this blog

VOICE TAPE

ARIEL SOTELO TABAG

KARAPOTE (UDPATED)