Bangabanga


Nagiging mainit ang langit— hindi alab ng pagtanggap—
Bagkus pagngingitngit sa mabilis na pagsikip ng daigdig.

Kaya’t paikut-ikot kaming lumilipad sa naghihingalong lawa,
Sa natuyong batis, sa napakalalim na balon nang mahanap
Ang busilak na pag-ibig ng tubig. Ang mga naagnas na dayami
Ang saksi kung papaano tinakasan ng hamog ang lupit ng araw
At papatunayang hanggang ngayon, sinusundan ang papalayong
Bukal— palalo lang ang humihingi ng butil sa tigang na bukirin.

Ngayong nakakulong ang mga bata sa kahon, magbubunyi ba
At di na kami hinahampas ng sanga at binubulyawan ng “Hala,
Layas, tutubing de malas!” o pinapainan ng langaw na idinikit
Sa dagta ng mangga? Hindi na rin kami helikopter sa mga ina,
Na sa tanghaling-tapat, magbubuga kami ng apoy at matitira
Ang mga kalansay ng patakot na mananangis sa mga abo
Ng uhay at dayami. Kami ay anino, o multo kaya, na sa utak
Ng kabataan, maaaring hindi umiiral at walang kabuluhan.

Di na maintindihan ng hangin ang aming wika at inilalayo kami
Sa isa’t isa— kinukulayan ang aming paligid. Gaya ng paru-paro,
Ginagawa kaming palamuti sa dingding, telebisyon, daliri at ulo.

Walang masilongan at kami’y malulunod sa ngitngit ng langit.

ARIEL S. TABAG
Abril 23, 2008

Comments

Popular posts from this blog

VOICE TAPE

ARIEL SOTELO TABAG

KARAPOTE (UDPATED)