Darudar


Paumanhin lamang ang kailangan ng buwan at naiintindihan
Na walang kaning maiaalay ngayong nakadilat ito sa mesang
Ang pinagsasaluan ay asin at luha at pangako ng amang susundan
Ang mga ugaw na nagnakaw sa bigas at palay. Mapapailing kami.
Papaano niya mahuhuli ang mga anitong nagkukubli sa bahaghari?
Maaari, madadatnan niya sa telebisyon, dyaryo, radyo o simbahan
Ang pagrarasyon ng mga alipin ng pamahalaan subalit namarkahan na
Ng republika ang pag-aari niya at kawanggawa na para sa mga dukha.

Madalas, paulit-ulit naming isinasangguni ang paghahagis ng laon
Sa mga sulok-sulok, gilid-gilid, ila-ilalim na pinagkukublihan nila
Sapagkat malulusaw silang tamaan ng bigas na kinupkop ng panahon.
O kaya, huwag ipagkatiwala ang pagbibigay halaga at kabuluhan sa ani
Sa mga alipin o panginoon ng numero at pilak. Nagiging hunyango kasi
Ang ugaw at ang pangunahing kakayahan ay gumawa, magkumpuni
At magsuot ng maskara. Gaya ng pag-iimbak namin kahit sa tag-araw
At kasaganaan, minaliit ang kakayahan ng aming utak at pakiramdam.

Sa huli, naiintindihan at nakikipagdalamhati kami sa amang magsasaka,
Siyang ang tanging pagkakamali ay magtiwala sa kapwa ang akala
Ay iisa ang hitsura. ‘Ika’y ang panginoon lamang ang nag-iibang anyo:
Palay, bigas, kanin. Ang panuntunan: ang itinanim ang siyang aanihin.
Mamamatay kami para sa reyna. Mabubuhay kaya siya para sa pamilya?

ARIEL S. TABAG
Abril 28, 2008

Comments

Popular posts from this blog

VOICE TAPE

ARIEL SOTELO TABAG

KARAPOTE (UDPATED)